0
-->

Kasabay ng paghingi ng patawad, ikinuwento ni Vhon Martin Tanto ang mga pangyayari kung papaano humantong sa malagim na krimen ang away nila sa kalsada ng siklistang si Mark Vincent Garalde sa Quiapo, Maynila noong Lunes.

"Pasensya na po kayo alam ko pong hindi na maibalik ang buhay ng pamilya n'yo pero hindi ko talaga sinasadya 'yon. Sorry po talaga. Nagdilim lang po ang paningin ko, hindi ko po gusto ang nangyari...aksidente lang po 'yon," saad ni Tanto nang makapanayam ni radio dzBB reporter James Agustin sa Manila Police District nitong Sabado.

Nadakip ng mga awtoridad nitong Biyernes sa Masbate si Tanto at dumating siya sa Maynila nitong Sabado ng umaga at dinala sa Department of Justice para ma-inquest.

Nahaharap si Tanto sa kasong murder dahil sa pagkamatay ni Garalde, at frustrated murder dahil sa pagkakasugat niya sa 18-anyos na babae na tinamaan ng ligaw na bala.

"Kung maulit man 'yon siguro kahit na saktan man ako hindi ko na gagawin 'yon sir.  Pero talagang nagdilim lang po talaga ang paningin ko," paliwanag pa ni Tanto.

Aniya, nag-ugat ang lahat nang muntik na umanong magbanggaan ang minamaneho niyang pulang Hyundai Eon, at ang bisikletang sinasakyan naman ni Garalde.

"Paglabas ko po ng Vergara (Street) yung biskleta po andito siya pa-deretso po, ngayon parehas kami nakapagpreno. Noong nakapagpreno kaming dalawa na ganun bumusina ako...yung password na parang okay na ganun, kinabig kong ganun, pagkabig kong ganun yung biskleta pala andito na parang hinahabol niya ako," lahad ni Tanto.

Paliwanag pa niya, humingi siya ng paumanhin kay Garalde sa nangyari pero patuloy pa rin daw na nagagalit sa kaniya ang biktima.

"Sabi ko sa kanya, kuya, pasensiya ka na. Hindi naman tayo nagkasagian pero dapat ang bisikleta dito ka sa gilid. Sabi niya sa 'kin, 'g..o ka pala ang yabang mo magmaneho," dagdag na kuwento ni Tanto.
Giit din niya, si Garalde umano ang naghamon ng suntukan.

"Napuruhan ako hanggang sa ni-lock niya ako. Nung ni-lock niya akong ganun, dahil matangkad siya nanghina na po ako tsaka niya ako binitawan," patuloy niya.

"Nung pagbitaw niya sa akin...nakita niya siguro yung sticker ng Philippine Army sa likod ng kotse ko, ang akala niya siguro hindi ako reservist regular na sundalo, kaya siguro humingi ng pasensya, sabi niya 'sir pasensya ka na,' sabi niya sa akin," ayon pa kay Tanto.

Pero nang aalis na umano si Garalde, sinabi ni Tanto na muli raw nagbitaw ng salita ang biktima na dahilan ng pagdilim ng kaniyang paningin.

"Ang yabang mo basagin ko pa 'yang salamin mo eh," saad daw ni Garalde ayon kay Tanto.
"Doon na po nagdilim ang paningin ko sir. Lumabas ako, kinuha ko yung baril ko...naputukan ko na pero hindi ko talaga 'yun gusto mangyari 'yun," patuloy niya.

Panoorin ang video:


Source: GMA News, Du30news.com

So what can you say about this one? Let us know your thoughts in the comment section below, and don’t forget to share this blog post to your family and friends online. And also, visit our website more often for more updates.

Share to Facebook Share to Twitter
Loading...

Post a Comment

 
Top